Discover millions of ebooks, audiobooks, and so much more with a free trial

Only $11.99/month after trial. Cancel anytime.

Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Talâ, Puna't Pansin sa Kasaysayan
Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Talâ, Puna't Pansin sa Kasaysayan
Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Talâ, Puna't Pansin sa Kasaysayan
Ebook406 pages5 hours

Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Talâ, Puna't Pansin sa Kasaysayan

Rating: 3.5 out of 5 stars

3.5/5

()

Read preview

About this ebook

Isang malaking gampanin pa rin hanggang ngayon ang patuloy na edukasyon ng madla, lalo na ng mga magulang at guro. Nakasalalay ang higit na mabilis at malawakang pagsulong ng panitikang pambata sa wastong pagsulong ng pambansang pagpapahalaga sa panitikan at aklat pambata, ayon kay Almario.

LanguageEnglish
Release dateNov 9, 2017
ISBN9789712729355
Panitikang Pambata sa Filipinas: Mga Gunita, Talâ, Puna't Pansin sa Kasaysayan

Related to Panitikang Pambata sa Filipinas

Related ebooks

Children's Classics For You

View More

Related articles

Reviews for Panitikang Pambata sa Filipinas

Rating: 3.619047619047619 out of 5 stars
3.5/5

21 ratings0 reviews

What did you think?

Tap to rate

Review must be at least 10 words

    Book preview

    Panitikang Pambata sa Filipinas - Virgilio S. Almario

    PANITIKANG

    PAMBATA sa

    FILIPINAS

    Mga Gunita, Talâ,

    Puna’t Pansin sa Kasaysayan

    VIRGILIO S. ALMARIO

    PANITIKANG PAMBATA sa FILIPINAS

    Mga Gunita, Talâ, Puna’t Pansin sa Kasaysayan

    Karapatang-ari sa digital edition © 2010 ni Virgilio S. Almario

    Reserbado ang lahat ng karapatan kasama na ang

    karapatan sa reproduksiyon at paggamit sa anumang

    anyo at paraan maliban kung may nakasulat na

    pahintulot mula sa mayhawak ng karapatang -ari.

    Sinulat sa tulong ng National Artist grant mula sa

    Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

    (NCCA)

    Inilathala at ipinamamahagi ng

    ANVIL PUBLISHING, INC.

    7th Floor Quad Alpha Centrum Building

    125 Pioneer Street, Mandaluyong City

    1550 Philippines

    Trunk Lines: (+632) 477-4752, 477-4755 to 57

    Sales & Marketing: marketing@anvilpublishing.com

    Fax: (+632) 747-1622

    www.anvilpublishing.com

    Disenyo ng aklat ng Desktype Asia Design Studio

    Guhit sa pabalat ni Albert Gamos

    ISBN 9789712729355 (e-book)

    Version 1.0.1

    Nilalaman

    Warning

    Isang Kasaysayang

    Pinersonal Ito

    GILIW KONG MAMBABASA: Nang maimbita akong magsalita sa pagdiriwang ng National Children’s Book Day sa Cultural Center of the Philippines (CCP) nitóng 15 Hulyo 2008 ay inudyukan ko na ang sariling sumulat ng aklat tungkol sa kasaysayan ng panitikan at aklat pambatà sa Filipinas. Nagkataon pang ika-25 taon na diumano ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) na host ng Pambansang Araw ng Aklat Pambatà. Dalawampu’t limang taon na palá ang nakalipas! At napakarami nang naganap mula noong maorganisa ang PBBY sa CCP din—sa CCP Board Room—at napakalaki na ng isinulong ng panitikan at aklat pambatà sa loob ng nakaraang 25 taon.

    Subalit paano ba isusulat ang kasaysayan ng isang larangan na kinasangkutan mo? Paano ko ipapasok ang aking sarili nang hindi lilitaw na minamasahe ko lámang ang malaki ko nang ulo? Malaki rin kasi ang paniwala ko na naganap ang mga tinatamasa ngayong pagsúlong sa panitikan at aklat pambatà bunga ng mga pangyayaring idinulot ng pagsílang ng Aklat Adarna at ng kasunod na pagkakatatag ng PBBY, at malaki ang naging tungkulin ko sa mga naturang pangyayari. Noong 1994 at balikan ni Maria Elena Paterno ang kasaysayan ng panitikang pambatà sa Filipinas ay ganito niya nilagom ang simula ng panahong kinasangkutan ko:

    In 1977, the Nutrition Center of the Philippines initiated a children’s book development project as part of its mental feeding program. Headed by poet-critic Virgilio Almario, the book project, called Aklat Adarna, started out with the aim of developing a Filipino consciousness by producing and marketing inexpensive books for Filipino children. Within a year’s time, the first 15 titles were introduced to the market.

    The Adarna books differed from all previous attempts at children’s book production by studying the needs of the readership and deriving from the study suggestions on themes and plots for stories and illustrations. The books were also distributed through a government network and therefore were almost directly to their audience. By 1980, the increase in volume of the Aklat Adarna books had prompted the establishment of the Children’s Communication Center to act as a resource development and production center for children’s materials.

    Malinaw ang kinatas na pangyayari at ang halaga ng pangyayari sa lagom ni Paterno. Ngunit maraming nawawala. O maraming hindi maipaliliwanag ang lagom. Halimbawa, bakit kayâ nápások ang makata-kritikong si Virgilio S. Almario sa panitikang pambatà? O kung sakali, bakit ang Nutrition Center of the Philippines (NCP), na isang pundasyong itinatag at pinamumunuan ni Gng. Imelda Romualdez-Marcos, ay makikipagsapalarang pamahalain ng proyektong aklat pambatà ang isang makata-kritiko na bukod sa hindi man lámang nakasulat ng aklat pambatà ay isa pang aktibista’t kritiko ng Batas Militar? Hinggil sa PBBY, ipinagpatuloy ni Paterno ang kaniyang kasaysayan sa ganitong talata:

    The Philippine Board on Books for Young People (PBBY) was established in 1983 to encourage the development and distribution of books for children, the development of children’s libraries, and the training of those involved in children’s literature. The founding members were Carol L. Afan, Larry Alcala, Virgilio Almario, Angelica Cabañero, Lucrecia Kasilag, Cristina Lim-Yuson, Linda Ma. Nietes, Serafin Quiason, Gloria Rodriguez, the late Alfrredo Navarro Salanga, and Renato Villanueva. Through the Board’s efforts, the third Tuesday of July was proclaimed National Children’s Book Day. It is still celebrated in schools across the country.

    May mga kahinaan ang naturang lagom. Muli, hindi naipaliwanag kung bakit itinatag ang PBBY at kung bakit gayon ang naging pangalan nitó. Hahabà ang lagom. Ngunit wari bang nása adhika na noong itatag ng PBBY ang binanggit niyang mga layunin samantalang salig lámang ang kaniyang naging lagom sa binuksang mga aktibidad ng PBBY mulang 1984. Hindi ipinaliwanag kung bakit sa kaniyang listahan ng mga kasaping tagapagtatag ay kapuwa kasáma sina Linda Nietes at Gloria Rodriguez. Nilagyan niya ng palatandaang patay na (late) si Freddie Salanga ngunit hindi ang yumao na ring si Carol Afan. At bakit kayâ pinili ng PBBY ang ikatlong Martes ng Hulyo para sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Aklat Pambatà?

    Kailangan ang isang higit na komprehensibong salaysay ng dalawang nabanggit na pangyayari. Nitóng 2004, sa isang espesyal na isyu ng Diliman Review, nagsagawa rin ng maikling kasaysayan ng panitikan at aklat pambatà si Dr. Lina Diaz de Rivera, at naidiin niya sa isang bahagi ang ganito:

    The single most significant event in the history of children’s literature in the Philippines was sparked by a then seemingly minor project of the Nutrition Foundation of the Philippines (NFP) that began in the late 70s.

    The project’s main aim was to disseminate information about good nutrition to school children. It was agreed that to make the instruction more interesting, the mode had to be in the form of stories. Thus several writers, headed by Virgilio Almario, were commissioned to create among many titles, Ang Dragong Pula (to teach about the value of red vegetables) and Digong Dilaw (the importance of yellow food).

    The project became such a success that the Children’s Communication Center was formed. Its main task was to produce stories for children which were later grouped under the collective label of Adarna Books.

    Naiiba ang hirit ni Diaz de Rivera sa lagom ni Paterno. The single most significant event… Parang a single spark that starts a prairie fire ni Mao na inuusal namin noong Unang Sigwa. Ningas na magpapaalab. Hindi ningas-kugon. Para kay Diaz de Rivera, pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng panitikan at aklat pambatà ang Aklat Adarna. (Kaibigan ko si Lina.) Ngunit kahit ibig kong maniwala sa kaniya ay isa pa ring mabigat na problema kung paano ko patutunayan ang kaniyang pahayag nang hindi niya pagtatawanang Aba, kumagat sa bola ko si Rio.

    Kamakailan ko lámang naisip ang pasok na gawin itong isang personal na gunita. Sa ganitong paraan, maitututok ko ang paggunita sa mga bagay na kaugnay ng naging karanasan ko mula sa dekada 70 hanggang sa bumalik ako nang fulltime bílang guro sa UP. Higit sa lahat, ayaw mo man o hindi, Giliw kong Mambabasa, upang maigiit ko ang sarili kong drama, mga pighati kuno at tagumpay, mga munting anekdotang walang nakaaalam (o nakatatanda) kundi ako, mga pangyayari sa likod ng pangyayaring publiko. At siyempre, nauudlot ang takbo ng kasaysayang ito kapag nais kong bigyan ng diin ang sarili kong yabang at himutok. May mga pangyayaring maaaring nabanggit ni Paterno ngunit hindi ko papansinin sapagkat naniniwala akong walang naging kabuluhan at magiging kabuluhan sa kasaysayan. Sa totoo lang, sinikap kong maging objective, ngunit nanghihinayang naman akong hindi batikan ng personal na kulay ang paningin ko. Kung tutuusin, sinusunod ko rin dito sa higit na nakalantad na paraan ang paniwala ko na laging subjective kahit ang pinakasiyentipikong komentaryo. Ano ba naman ang naisulat ko nang kritisismong pampanitikan kundi personal kong komentaryo sa mga akda at manunulat na pinaksa ko? Ano ba naman ang naisaaklat ko nang mga kasaysayang pampanitikan kundi personal kong pagtingin sa naging pagsúlong ng panitikan sa Filipinas? Higit ngang mainam ngayon at hindi ko itinatago ang emosyon ko’t prehuwisyo.

    Walang ipokrisya.

    Sa isang bandá, kailangang sumaludo ako sa mga naging kasáma sa panahong iyon at ipagpaparangalan ang kanilang katangian. Kung wala silá, hindi ko magagampanan ang pagbúhay sa Aklat Adarna at PBBY. Ang mga unang kasáma ko lámang sa NCP Publishing Corporation ay hindi dapat kalimutan ng kasaysayan. Katulong ko silá sa pangangarap ng Aklat Adarna. Unang-una sa kanila si Perfecto Boy Martin Jr. na isang aktibista at naging estudyante ko sa Ateneo de Manila University. Isa siyang magalíng na editor at mananaliksik, bukod sa matalik kong katuwang sa mga sinugbang alon at alingasngas mula umpisa ng krusada ko sa Aklat Adarna. Masuwerte din ako sa tulong ni Victor Bimboy Peñaranda, na isang primera klaseng makata sa Ingles, ngunit masikap na nag-aral sa mga problemang pamproduksiyon kaugnay ng aming adhikang ilathala sa pinakamababàng halaga ang Aklat Adarna; gayundin ni Charles Charlie Funk na siyang gumuhit sa logo ng Adarna. Kahanga-hanga ang kanilang tapang sapagkat sumáma sa isang malabòng pangarap at ang kanilang tatag sa panahong tumatagilid ang aming bangka. Marami pa siláng dapat banggitin man lámang dahil sa kanilang ipinamalas na malasakit at sadyang nag-ambag ng talino, pawis, at panahon para sa tinatamasa ngayong pagsúlong ng panitikan at aklat pambatà. Pupurihin ko kahit ang ipinalalagay na kaaway ng bayan kung malaki naman ang naiambag sa isinúlong kong proyekto.

    Sa kabilâng dako, may mga pagkakataon na hindi ko maiiwasang taklesa. Sa ganito, may masasaktan akong mga kaibigan at kapanalig. Patawad, hindi ko nais manirang-puri. Kailangan ko lámang sabihin kung ano talaga ang tingin ko sa kuwento ni ganito o ganoon, sa proyekto ni ganito o ganoon, at ilagay sa loob ng daloy ng binalangkas kong kasaysayan. Maaaring magkamali ako. At sana nga. Hindi naman ako perpekto. (Ako mismo’y maraming palpak na akda. Kayâ marami sa gagawin kong puna ang dapat isiping puna ko sa sarili.) Ibig ko lámang makatulong sa pagtáya sa totoong makabuluhang gawain nitóng nakaraang 25 taon. Natitiyak kong may mga makatotohanan din akong pahayag na maaaring masakít basáhin ngunit mainam mailahad ngayon upang mapag-usapan nang hayagan at kung totoong problema ay mapagtulungang bigyan ng solusyon. Sisikapin ko ring gamitin sa pagpuna ang mga akda ng mga iginagálang kong kapatid sa trabaho upang higit na maging makatuturan at upang hindi ako maparatangang nais lámang tumiris ng kawawang kabataan. Halimbawa, itinuturing kong dakilang manunulat si Rene Villanueva at tatalakayin ko siya bílang pangunahing halimbawa ng manunulat pambatà. Ngunit hindi nangangahulugang hindi siya nag-iwan ng di-kasiya-siyang akda, lalo na sa panahon ng kaniyang kasikatan at kailangan niyang rumatsa kabi-kabilâ ng mga pangmadaliang pedidong kuwento’t dula hábang fulltime na nagtuturo. Totoo, may natatandaang isang dakilang sandali sa isang naaksayang búhay. Subalit nása pangkalahatang bisyon at bisà ang kadakilaan, hindi sa paisa-isang depekto’t pagkakamali.

    Ako mismo’y tigib sa kontradiksiyon. Ngunit hindi ako natatakot humarap sa panganib at bagong hámon. Kayâ yata ako tinuksong maverick ni Del Tolentino noong dibdibin ko ang Aklat Adarna sa kabilâ ng mga batikos ng mga kapanalig sa politika. Malimit nga lámang na masuwerte ako sa ginagawang desisyon sa búhay. Hindi nangangahulugang mahusay ako. Uulitin ko, marami akong walang-kuwentang akda, lalo na ang mga niratsa ko para makatapos sa taning ni Imelda. Marami akong bisyo kayâ malimit na nabubulunan ako ng sariling laway kapag nangangaral. Ngunit may mga hálagáhang ganap kong pinaniniwalaan at may mga gawaing ganap kong pinaninindigan kahit salungat sa aking personal na kahinaan. Bahagi ng pinersonal kong kasaysayang ito ang pagtatanghal sa aking mga dinanas na bagabag hábang nangangahas, mga bagabag na higit na bunga ng aking pansariling kahinaan bílang isang manunulat na lumaki sa isang munting nayon ng magsasaká at kailan lámang nagbumabad sa aklatan, at upang makapagdulot ng leksiyon sa sinumang nais pang magsúlong sa panitikan at aklat pambatà. Makikíta mo, o dapat na makíta mo, Giliw kong Mambabasa, napakarami pang hakbang na dapat gampanín upang umunlad pa ang panitikang pambatà sa Filipinas. Ako mismo’y marami pang nais gawin, alinsunod na rin sa mga puna ko’t pansin, ngunit ikinalulungkot kong hindi ko natupad sa loob ng mahigit tatlong dekada. Gayunman, sinulat ko ito sapagkat ayaw kong masáyang ang mga naisakatuparan at napagtagumpayan na. Salamat sa lahat ng tumangkilik at tumatangkilik sa aklat at panitikang pambatà! Mabuhay kayóng lahat!

    Ferndale Homes

    5 Enero 2010

    Si Ceres Ang

    Ninang Ko?

    MEDYO NABALISA AKO, namulá siguro, at hindi nakakibo nang may magsabi sa akin na si Amel (Amelia Lapeña Bonifacio) ang ninang ko sa panitikang pambatà. Ang ibig sabihin, utang ko kay Amel ang introduksiyon ko sa larangang ito. Ang sabi pa ng mensahero, si Amel ang nagdaos ng matagumpay at unang workshop sa panitikang pambatà sa Filipinas na idinaos ng UP Creative Writing Center (UP Institute of Creative Writing ngayon) noong 1983, noong si Amel ang direktor nitó, at inanyayahan niya ako bílang pangunahing panelist.

    Hindi matatawaran ang salapi’t panahong ginugol ni Amel para sa panitikang pambatà, lalo na sa masugid niyang pangangalaga sa Teatro Mulat. Totoo rin na sa panahon lámang ng kaniyang panunungkulan at dahil sa komitment niya sa larangang ito nagkaroon ng unang workshop sa panitikang pambatà ang UP Creative Writing Center. Hindi ito maiisip ng mga nauna sa kaniyang sina Franz Arcellana at Alex Hufana. Subalit hindi iyon ang unang workshop sa panitikang pambatà sa Filipinas. Marami nang idinaos na workshop at kumperensiya sa panitikang pambatà mula sa dekada 60, lalo na sa pangunguna ni Ceres Alabado.

    Nápások ako sa panitikang pambatà dahil sa paanyaya ni Ceres para sa isang ganoong kumperensiya para sa mga guro. Kailangan ng kaniyang pangkat ang isang resource person sa pagtuturo ng tula. Marahil, may nagbulong sa kaniya hinggil sa ginagawa ko noong workshop para sa mga kabataang makata sa Galian sa Arte at Tula (GAT). Pinuntahan niya ako sa isang sesyon ng GAT at inimbitang magbigay ng lektura hinggil sa tulang pambatà. Tumanggi ako sapagkat wala akong nalalaman sa tulang pambatà. Ngunit sa dulo’y napatango din niya ako ngunit sa kondisyong tatalakayin ko lámang ang mga popular na tulang-bayan at ang gamit nitó sa edukasyon ng mga batà. Kung tama ang aking alaala, nása unang bahagi iyon ng dekada 70 at lumahok ako sa kumperensiya ni Ceres nang dalawang ulit. Isa sa Metro Manila at isa sa Cebu.

    May nagsabi rin sa akin na nababanggit ni Ceres na siya ang aking ninang sa panitikang pambatà. At tiyak na nakabatay ang kaniyang paginaanak sa akin sa dalawang ulit kong paglahok sa naturang kumperensiya para sa mga guro. Sa totoo lang, ni walang naging matiim na impresyon sa akin ang naturang karanasan. Pagkatapos ng dalawang ulit na paglahok ay nakalimutan ko na ang panitikang pambatà. Ni hindi ako naganyak sumulat ng kahit kaprasitong kuwentong pambatà. May maituturing na tulang pambatà na naisulat ko sa panahong ito dahil mga tula ko iyong handog sa mga anak ko, gaya ng tula kong Pasalubong para kay Asa, o kayâ’y mga tulang magaan ang rendisyon at batay sa panitikang-bayan at marami nitó sa aklat kong Doktrinang Anakpawis (1979). Isa dito ang nagustuhan ni Ceres, ang Isang Linggo sa Sirko, at ginamit niya sa kaniyang aklat.

    Sa kabilâ ng lahat, dapat ituring si Ceres na ninang ng makabagong panitikang pambatà sa Filipinas. Magmula sa panahon ng Amerikano hanggang noong dekada 70 ay walang nagbuhos ng talino, panahon, at salapi sa panitikang pambatà na maikokompara kay Ceres. May manaka-nakang sumusulat ng aklat pambatà—lalo na iyong tipong pampaaralaan—at malimit na sinulat ng isang retiradong guro. May manaka-nakang nag-oorganisa ng seminar, forum, kontest, at katulad hinggil sa panitikang pambatà. Hindi nawawalan ng mga babaeng may ginintuang puso para sa mga musmos. (Mga babae? Oo, wala akong matandaang lalaki bago ako.) Ngunit mga ningas-kugon. Wala sa kalingkingan ng nakíta kong dedikasyon at bisyon ni Ceres, mula sa pagtatatag niya ng Children’s Literature Association of the Philippines, Inc. (CLAPI) at paglalathala niya ng sariling mga aklat pambatà. Naging mahalaga ko rin siyang katuwang sa mga panimulang hakbangin ko sa Aklat Adarna bagaman naging matigas kong kritiko sa proyektong Sesame Street sa Filipinas. Huminto lámang siya ng atake sa sinimulan kong proyektong pantelebisyon nang maghunos ito, tulad ng pangako ko, sa isang buong-buo at orihinal na palabas—ang Batibot.

    Gayunman, marami kaming hindi pagkakasundo. Inilihim ko sa kaniya ang mga ito sapagkat hindi ko nais saktan ang kaniyang kalooban. Una kong naramdaman ang mga problema at limitasyon sa kaniyang pasok sa pagpapalaganap ng panitikang pambatà noong lumahok ako sa kaniyang kumperensiya. Kaagad kong napansin, halimbawa, ang komposisyon ng mga kalahok sa kumperensiya. Lahat halos ay mga guro at laybraryan. Na maganda kung iisipin na ang kumperensiya ay isang paraan ng pagpapaalab sa kanilang malasakit sa mga paslit at pagmamahal sa aklat. Hanggang ngayon, at kung isasaalang-alang ang marawal na estado ng edukasyong elementarya at mga aklatan sa Filipinas, ay sadyang kailangan ang patuloy na pagpapaalab sa damdamin ng mga guro at laybraryan. Gayunman, wika nga’y captive audience silá. Ikakatuwa nilá ang gayong kumperensiya ngunit mahirap asahang silá ang magiging pasimunò ng pagpapaunlad sa panitikang pambatà. Kakatwa samakatwid na silá ang tinuturuan sa workshop kung paano sumulat ng kuwento o tulang pambatà. Ibang talino ang pagsulat at hindi iyon natutuklas sa mga kumperensiya’t workshop ng CLAPI, bunga na rin ng pangyayari na mga guro at laybraryan ang mga miyembro at lider nitóng kasáma ni Ceres.

    Sa panahong iyon, ipinagtataká ko ang estratehiya ng CLAPI at ni Ceres. Ikinakalat nilá ang halaga ng panitikang pambatà ngunit hindi napagtutuunan ng pansin ang paglikha ng panitikang pambatà. Sapagkat sa panahong iyon ay ano ang babasahíng maaaring gamitin ng magulang para sa kanilang anak o ng guro para sa kanilang mag-aaral? Puro mga aklat na imported ang mabibili sa National Book Store. Puro mga komiks at magasing komersiyal ang karaniwang babasahín ng mga dukha. Malaking bahagi samakatwid ng programa sa panitikang pambatà ay ang pagsasanay ng mga manunulat, mga manunulat na mag-uukol ng talino para magdulot ng angkop na babasahín sa mga batàng Filipino.

    Tinupad ni Ceres ang tungkuling ito sa pamamagitan ng paglalathala sa kaniyang sariling mga akda. Mahigit sampu yata ang librong isinulat niya at ginastusan ang paglilimbag. Marahil, upang maging modelo sa naturang gawain. Ang mga librong ito ang nakadispley sa mga kumperensiya ng CLAPI at ipinanghahandog niya sa mga kaibigan at kapanalig. Ngunit sáyang. Wala akong alam na pumuri sa kaniyang mga nailathalang aklat pambatà. Maliban sa Kangkong 1896 kung ituturing na aklat pambatà ang nobelang ito. Marahil, higit pang kapaki-pakinabang kung sinikap niyang tumuklas o magsanay ng isa o dalawang manunulat at ginastusan ang mga aklat ng mga ito. Ngunit waring malayò sa kaniyang isipan ang misyong ito. Natatandaan kong bahagi ito ng frustration ni Susan Aragon, isa sa kaniyang mga alagang kabataang artist sa CLAPI. Maraming idea si Susan, magagandang idea para sa aklat pambatà, ngunit hindi niya maisakatuparan. Hanggang katulungin lámang siya ni Ceres sa pagdidisenyo ng kaniyang libro o pagtuturo ng drowing sa mga kumperensiya. Kayâ tuwang-tuwa si Susan nang isáma ko sa mga unang Aklat Adarna ang kaniyang Nang Magkakulay ang Nayon. Dagli itong naging paborito ng mga mambabasá ng Aklat Adarna. Sáyang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataong ilathala ang kaniyang Si Siw, na sa pamagat pa lámang ay mahuhulaan nang isang nakatutuwang istoryang pambatà.

    Si Ceres ang nanguna sa pagbuo ng Pamana na nagbukás ng isang paligsahan sa pagsulat ng kuwentong pambatà noong dekada 60. Isa itong napakagandang proyekto. Ngunit dalawa o tatlong taon lámang ang itinagal ng proyekto. Bakit? Muli, dahil nauuna ito sa panahon. Una, walang manunulat ng kuwentong pambatà. Kapansin-pansin ito sa kalidad ng mga nagwaging kuwento. Maituturing na namumukod at kahanga-hanga ang Horgle and the King’s Soup (1965) ni Gilda Cordero Fernando at Makisig: The Little Hero of Mactan (1964) ni Gemma Cruz Araneta. Ang iba’y nakatakdang kalimutan noon pa. Nang ilathala ang mga premyadong akda, may magagandang banggit sa diyaryo. Ngunit hindi dinumog ng mga mambabasá. At marahil isa iyong dahilan kung kayâ itinigil ng organisasyon ang pagtustos sa isang magastos na proyekto.

    Ngunit bakit hindi tinangkilik ng madla ang mga premyadong aklat ng Pamana?

    Kaugnay ito ng isa pang kaso ng hindi namin pagkakasundo ni Ceres. Ito ang wika ng panitikang pambatà. Inglesera si Ceres. Gaya ng pangyayaring nakasulat din sa Ingles ang mga kuwento ng Pamana. Iginigiit ko noon at hanggang ngayon na halos imposibleng maging popular ang anumang panitikan kung nakasulat ito sa Ingles. Hindi nagbabasá sa Ingles ang masa. Babasáhin lámang nilá at pagkakagastusang bilhin ang babasahíng gaya ng komiks at romance novel sapagkat nakasulat sa wikang alam nilá.

    Sa aming mga pag-uusap ay kinikilála ni Ceres ang halaga ng wikang Filipino. Ngunit bahagi na, wika nga niya, ng kaniyang búhay na burges ang paggamit ng Ingles.

    (Nakatutuwa at dapat pansinin na karamihan ng nag-uukol ng panahon ngayon sa pagsulat ng panitikang pambatà ay mga manunulat sa Ingles. Iilan ang tulad ni Rene Villanueva na taal na manunulat sa Filipino. Nagbabago na ba ang panahon? Hindi. Maliit pa rin ang sektor na bumabása sa Ingles. Gayunman, ito ang sektor ng lipunang may salapi upang bumili ng mamahalin at espesyal na aklat pambatà. Ito ang dahilan ng mga mamahaling aklat pambatà na nakasulat sa Ingles. Walang isa man lámang gayong proyekto sa Filipino ang mga pabliser. Mainam at isang taktika ngayon sa paglalathala ay ang edisyong bilingguwal. Malaking tulong sa mga manunulat sa Ingles ang salin ng kanilang akda sa Filipino upang higit na umakit silá ng madlang mambabasá.)

    Hindi ako nagtagumpay na mapagsulat sa Filipino si Ceres hanggang maisip niyang manirahan sa ibang bansa. Gayunman, totoong kagila-gilalas ang paghawak niya sa sulô ng panitikang pambatà sa isang panahong hindi ito kilála man lámang ng lipunang Filipino. Na patuloy na nagniningas ang naturang damdamin sa kaniyang dibdib ay napatunayan ko nang alukin ko siyang magbigay ng gawad para sa panitikang pambatà. Dumalaw lámang siya noon sa Filipinas at nagkataong nakausap ko sa isang pagtitipon. Wika ko, magandang pamana niya kung sakali ang isang gantimpala na gaganyak sa iba upang itaguyod ang panitikang pambatà. Agad siyang pumayag at naglaan ng pondo para sa Ceres Alabado Award. Naging bahagi ito ng isang palatuntunan ng PBBY.

    Unang tumanggap ng Ceres Alabado Award ang CLAPI. Hindi ko alam kung bakit tila namatay na ang gawad. Sa ganang akin, tumamlay akong sundan ang naging kasaysayan nitó nang igawad ni Ceres sa sariling anak.

    Ferndale Homes

    28 Disyembre 2009

    O Si Louie Lagdameo

    Ang Ninong Ko?

    KUNG NAKABABAGOT ang isang nanay na walang ikinukuwento kundi ang kaniyang mga anak ay lalong nakayayamot ang isang manunulat na walang ipinaliliwanag kundi ang kaniyang akda. Ngunit may pagkakataong kailangang baliin ang payong ito ni Disraeli at sundin ang mala-salawikain ng mga taga-UP hinggil sa makabuluhang pagbubuhat ng bangko: Kung di táyo, sino? Kung di ngayon, kelan? Sino kundi ako at kailan kundi ngayong malinaw pa ang aking gunita dapat ikuwento ang istorya ng Aklat Adarna.

    Nag-umpisa

    Enjoying the preview?
    Page 1 of 1