Вы находитесь на странице: 1из 6

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 1

Carol Jean A. Antonio

Oktubre 6, 2015

Pan Pil 12 THW1


Ang May-akda at si Kawamoto: Pilipinas at Hapon
PILIPINO. Ganito nagpakilala ang tagapagsalaysay ng nobelang Ang Makina ni
Mang Turing. Hindi na nakakabiglang malaman na siya ay isang Pilipino, dahil bago pa man
magpakilala ang may akda ay may ideya na tayo, mula sa ating nalalaman sa kasaysayan at
batay na rin sa kuwento, na isang Pilipino ang nagsasalita. Marahil ang hindi ganoon kalinaw,
ay kung bakit imbis na isang tiyak na pangngalan ang ibigay ng may-akda, ay pinili niyang
magpakilala bilang kinatawan ng lahing Pilipino.
Marahil ito ay upang huwag bigyan ng pagtatangi ang pangalan ng may-akda. Sa mga
oras na iyon, hindi mahalaga kung sino siya at kung ano ang kanyang pangalan. Mas
mahalagang idiin na siya ay isang Pilipino. Hindi siya kumikilos bilang isang indibidwal, siya
ay gumagalaw bilang isang lahing sinakop ng Kanluran. Ang kanyang ugali at pag-iisip ay
kumakatawan hindi lamang sa iisang Pilipino kundi, sinasaklaw nito ang kabuuan ng ating
lahi.
Kung susuriin, ganito rin kung kumilos ang iba pang mga tauhan sa kuwento. Ating
pagtuunan ng pansin si Kawamoto. Ang kanyang pananalita, kilos, at disposisyon ay tatak ng
lahing Hapones. Maging ang kaugnayan nila ng may-akda ay masasabi nating hindi isang
simpleng ugnayan lamang ng dalawang tao. Ipinapakita nito ang kaugnayan at kalagayan ng
dalawang bansa, ang Hapon at Pilipinas, noong panahong iyon.
Upang mas lalo nating maintindihan, ay mabuting suriin natin ng mas mabuti ang
dalawang mahalagang karakter ng kuwento at ang mga nangyari sa kanila. Ang pagtatagpo ng
dalawa sa tren ay masasabing hindi isang koinsidente. Mayroong ispesyal na dahilan kung
bakit sa tren sila nagkita, sa gitna ng mga Kanluranin. Ang sasakyang ito ay simbolo ng isang

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 2

mahabang paglalakbay. Noong panahong iyon, masasabing ang mga Pilipino at mga Hapones
ay nasa isang mahabang paglalakbay. Ang Hapon, tungo sa modernisasyon, upang hindi sila
mapasailalim ng mga malalakas na puwersa ng Kanluran, at ang Pilipinas naman, papunta sa
kalayaan sa kamay ng mga taga-Kanluran.
Idagdag pa natin rito ang pakay nila sa pagpunta sa Kanluran. Pareho silang nag-aral
doon, ang may-akda, ng pagkaabogasya, at si Kawamoto naman ng siencia militar. Pareho rin
silang nagsusulat noong kasalukuyang iyon. Isang nobela tungkol sa rebelyon ni Dagohoy
ang sinusulat ng may-akda, at disertasyon naman ukol sa pilosopiya ng digmaan ang kay
Kawamoto. Masasabi nating ang pagkakatulad at pagkakaibang ito ay sumusuporta sa
naunang binanggit ukol sa modernisasyon ng Hapon at kolonyalismo sa Pilipinas. Ang pagaaral ng pagkaabogasya ng tagapagsalaysay, ay indikasyon na ang Pilipinas ay kailangan ng
tagapagtanggol. Ang pagsusulat niya ng nobelang sosyal, ay nagpapakita na nasa ilalim tayo
ng isang kolonyalismo ang Pilipinas. Nakatuon naman si Kawamoto sa pag-aaral kung paano
palalakasin ang militar, isang mahalagang salik ng makapangyarihang bansa. Ang pag-aaral
at pananaliksik niya ng sistema ng pagtatanggol ng bansang Alemania ay nagpapakita ng
pagsasakatuparan ng planong isunod ng bansang Hapon ang kanilang puwersang sandatahan
sa Kanluran para sa kanilang industriyalisasyon.
Mapapansin din ang mga pagkakaiba at pagkakatulad ng mga katangian ng may-akda
at ni Kawamoto. Hindi maitatatwang ang kanilang pagiging Asyano ang naging daan upang
sila ay magkapalagayang loob sa una pa lamang nilang pagkikita. Tulad nga ng sinabi ng
may-akda, hindi sila natural doon. Ang kanilang pagpunta doon ay nangangahulugan
lamang na mayroon silang pakay o tungkulin na dapat isakatuparan. Magkaiba nga ang
kanilang pakay, ngunit ang kanilang pagpunta roon ay para sa kapakanan, reporma at
pagbabago ng kani-kanilang bansa.

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 3

May kaya ang pamilya ng tagapagsalaysay kaya siya nakapag-aral sa Kanluran.


Samantala, kahit na mula sa mababang uri ng lipunan, ay nakapag-aral sa Kanluran si
Kawamoto dahil sa estado ng Meiji. Ipinapakita ng pagkakaibang ito ang magkaibang
kalagayan ng Pilipinas at Hapon noong panahong iyon. Dahil nasa ilalim ng pananakop ng
Espanya ang Pilipinas ay hindi malayang mag-aral ang lahat at tanging mga mayayaman
lamang na may kakayahang magpunta sa ibang bansa ang nakakapag-aral. Pinahina ng mga
mananakop ang puwersang Pilipino sa pamamagitan ng paghahadlang sa marami na magaral. Maiuugnay natin ito sa sinabi ni Clausewitz tungkol sa pagdurog ng mga sinasakop.
Bukod sa pisikal na paglipol, ay mas mahalaga ang pagkalipol ng kaisipan at karakter ng
mga bayang sinasakop. Itinatak ng mga Espanya noon na mga indio at mas mababa ang uri
ng mga Pilipino. Ang pag-aaral ay maaaring magbigay ng kamalayan sa mga Pilipino at
magpagising sa kanila sa kaisipang ito kaya naman hindi sila binigyan ng karapatan na magaral noong panahong iyon. Ang Hapon naman, dahil sila ay malaya sa pananakop ng mga
dayuhan, ay nakatuon sa pagpapalakas pa ng kanilang bansa sa pamamagitan ng edukasyon at
kamalayan. Naniniwala silang ang isang bansa ay maaaring maging makapangyarihan kung
ang kanilang puwersang militar ay itutulad sa sistema ng Kanluran.
Positibo man ang epekto nito sa Hapon, dahil ito ang siyang naging panangga nila sa
pananakop ng Kanluran, ay may hindi rin magandang implikasyon ito. Ito ay ang ideyang ang
pagiging moderno ng isang bansa ay makakamtan kung gagayahin nito ang sistemang
Kanluran. Una sa lahat ay dapat nating balikan kung ano ang ibig sabihin ng salitang
moderno. Masasabi bang moderno ang isang bansa kung maraming mga nagtataasang gusali
at magagandang istraktura? Ang isang simple at malayang pamumuhay ba sa bundok ay
nangangahulugan ng pagiging hindi sibilisado? Hindi bat isang ideyang Kanluranin ang
nagsabing sila ang moderno at superyor? Kung gayon, masasabi nating bagamat malaya

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 4

ang bansang Hapon ay makikita rin sa kanila ang kaisipang ibinaon ng mga Kanluranin sa
mga Asyano.
Totoong makabayan at matalino ang ating kababayan ngunit ang kanyang kanyang
kawalan ng pokus dahil sa mga personal na problema at kagustuhan ang naging hadlang
upang maisulat niya ang huling bahagi ng kanyang nobela. Maaari natin itong maiugnay sa
linyang sinabi ni Heneral Luna, Ang tunay na kalaban natin ay ang ating mga sarili. Mula
noon hanggang ngayon, partikular sa panahon ng digmaan, tayong mga Pilipino ay madalas
nawawala sa pokus at nalilimutan ang tunay na pakay dahil sa mga personal na interes, kaya
madalas ay hindi natin naaabot ang ating pakay, at kung naabot man, ay matagal bago natin
ito naisasakatuparan.
Mapapansin naman ang kahanga-hangang katangian ni Kawamoto. Palakaibigan,
masayahin at hindi banaag sa kanyang kilos ang kanyang mahirap na kalagayan sa Alemania.
Bagamat nag-aaral ng sistemang Kanluranin at marami sa kanyang mga linya ay nakabatay
sa mga akdang Aleman, halata pa rin ang kanyang pagiging radikal at malayang pag-iisip.
Ang mga katangiang ito ay banaag pa rin magpasa hanggang ngayon sa mga Hapon,
indikasyon na walang masyadong nagbago sa kanila hindi tulad sa bansang nasakop ng mga
dayuhan.
Malaki ang naiambag ni Kawamoto sa pagsusulat ng may-akda. Dahil sa kanya, ay
nalaman ng may-akda ang tungkol kay Clausewitz. Mahalaga ito upang maintindihan niya
ang pag-iisip na mayroon ang isang Kanluranin ukol sa gyera. Nabuksan din ang konsepto ng
karakter na isang mahalagang aspeto upang magtagal sa laban ang kahit sinong sinasakop.
Madalas ay nagkakasundo ang pag-iisip ng may-akda at ni Kawamoto. Ngunit dahil
hipotetikal lamang ang para kay Kawamoto ang pagkasakop, madalas ay nakabatay siya sa
kanyang mga nababasang sulatin ng mga Aleman, na dahil isang bansang Kanluranin, ay

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 5

masasabi nating may-ayon sa mga bansang nananakop. Ang mga kaisipan ding ito ang
maaaring nagtulak sa Hapon na manakop ng mga karatig-bansa kinalaunan. Ang pananaw
naman ng may-akda, dahil nagmula siya sa bayang sinakop, ay mas nakapanig sa mga bayang
sinasakop. Hindi rin siya sang-ayon sa paggamit ng labis na karahasan upang manalo sa isang
digmaan.
Sa huling bahagi ng kuwento, ay ipinakita sa pamamagitan ng mga simbolismo ang
nangyari sa mga bansa noong panahong iyon. Si Kawamoto ay umuwi ng bansang Hapon
sakay ng barkong ang pangalan ay John Bull. Ang John Bull ay ang personipikasyon ng
bansang Great Britain, na noon ay isa nang industriyalisadong bansa. Kung gayon,
sinisimbolo ng barkong iyon ang modernisasyon at ang pagpunta nito sa Japan ay hudyat ng
pagiging industriyalisado ng bansa. Ang may-akda naman ay pabalik na rin ng kanyang bansa
matapos ang maikling pagdaan sa Singapura. Ang pagdaang iyon ay maaaring upang
ipalimbag ang kanyang libro roon dahil sa Pilipinas ay hindi siya pahihintulutang gawin iyon.
Ang librong iyon ay simbolo ng pag-alab ng damdaming makabayan at siyang magtutulak sa
mga Pilipino upang ipagtanggol at bawiin ang kalayaang inagaw sa atin.
Naiwang bukas ang katapusan ng kuwento. Ito ay sumasalamin sa walang
kasiguraduhan ng mga pangyayaring magaganap sa hinaharap. Masasabing nagtagumpay
nga ang mga Pilipino sa pagbawi ng ating kalayaan sa Espanya, ngunit hindi natin inakala na
mayroon pa palang susunod na mananakop sa atin. Ang bansang Hapon naman ay
nagtagumpay sa pagiging industriyalisadong bansa, ngunit mas marami pang problemang
pandaigdigan ang kailangang harapin sa kasalukuyang panahon.
Sanggunian:
[1] Guillermo, Ramon. Ang Makina ni Mang Turing. Lunsod Quezon: UP Press, 2013.
Nakalimbag.

Antonio, Ang May-akda at si Wakamoto: Pilipinas at Hapon, 6

[2]Hau, Caroline S. "Review: Ang Makina Ni Mang Turing." Http://kyotoreview.org/bookreview. Kyoto Review of Southeast Asia, Setyembre 2015. Web. 6 Oktubre 2015.

Вам также может понравиться