Вы находитесь на странице: 1из 3

Pananaliksik

Ang pananaliksik[1] ay ang proseso ng paghanap ng mga totoong impormasyon na humahantong sa kaalaman.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paggamit ng kung ano ang nalalaman o napag-alaman na. Matatanggap ang
karagdagang kaalaman sa pamamagitan ng pagpapatunay (o ng hindi-pagpapatotoo) ng mga panukala (teoriya) o mga
pamamaraan (o sistema), at sa pagsubok sa mas mainam na pagpapaliwanag ng mga napapansin o obserbasyon. Isang
prosesong mapagsuri, sistematiko o maparaan, organisado o nakaayos, at walang-kinikilingan (obhetibo). Nararapat na
masagot ng prosesong ito ang isang katanungan o hipotesis. Sa ganitong paraan, dapat itong nakapagpapataas o
nakapagdaragdag ng kaalaman hinggil sa isang hindi nakikilalang bagay na ibig mapag-alaman pa ng mga mamamayan.

Bukod sa pagbibigay tugon sa mga katanungan, isa pang layunin ng pananaliksik ang makahanap ng solusyon sa isang
problema o suliranin. Karaniwang naghahanap ang isang mananaliksik[2] ng mga kaalaman mula sa mga aklatan upang
malaman kung ano ang mga napag-alaman hinggil sa isang bagay, kabilang ang mga maaaring nakalimutan nang
kaalaman. Maaaring naghahanap-buhay ang isang tagapagsaliksik o tagasaliksik[2] sa isang klinika, laboratoryo, o kaya
isang planetaryo. May mga mananaliksik na naghuhukay ng lupa para mapag-aralan ang mga guho ng mga sinaunang
mga kabihasnan o magsagawa ng mga pag-aaral hinggil sa mga hubog ng mga bato. Maaari rin siyang maglakbay sa
kalawakan para pag-aralan ang sanlibutan.[3]

Isinilang ang gawaing pananaliksik ng magsimulang magtanong ang mga sinaunang mga tao sa mundo hinggil sa mga
bagay-bagay at nagsimula ring maghanap ng mga kasagutan para sa mga katanungang ito. Halimbawa ng mga ito ang
mga lumikha ng gulong at ang mga nagsipagtala ng mga paggalaw ng mga bituin ng kalangitan. Subalit nagsimula lamang
ang tunay na makabagong gawi sa pagsasaliksik dahil kay Galileo Galilei noong mga 1500.[3]

Mga gawain

Kabilang sa mga pangunahing gawain sa pagsasaliksik ang mga sumusunod: pagsusukat o pagsusuri ng mga kaganapan o
kababalaghan, paghahambing ng nakuhang mga resulta, at ang pag-unawa o pagpapaliwanag ng mga resulta ayon sa mga
pangkasalukuyang kaalaman kabilang ang mga nakapagbabagong sangkap, na maaaring makaimpluwensiya sa resulta.

Mga paraan

Upang makapagsaliksik, nagpupunta ang isang mananaliksik sa mga aklatan, museo, nakikipanayam sa mga dalubhasa, at
nangongolekto ng mga opinyon sa mga mamamayan. Sa simula, nagbabasa sila ng sangguniang mga aklat na naglalaman
ng pangkalahatang kaalaman o may tiyak na mga paksa, katulad ng talahuluganan, ensiklopedya, taunang-aklat, atlas,
mapa, globo, at indeks. Nagsisimula ang isang mananaliksik na alamin muna o ganap na unawain ang kaniyang napiling
paksa, katanungan, o napiling suliraning ibig tugunin. Mula sa mga aklat na pangsanggunian, inaalam niya ang mga pang-
alalay na mga paksang kaugnay ng pangunahing paksa.[3]

Mga uri

Mga pangunahing uri

Kabilang sa mga pangunahing uri o gawi sa pananaliksik ang payak at nilapat na pananaliksik:[3]

Basiko o payak na pananaliksik

Tinatawag din itong puro o pundamental na pananaliksik na isinasagawa sa mga laboratoryo o klinikang pang-
eksperimento.

Nilapat na pananaliksik

Ito ang paglalapat ng mga kaalaman sa mga gawaing pampananaliksik, o paggamit ng mga kaalaman sa pananaliksik
na magagamit para sa pagpapaunlad ng lipunan. Kabilang dito ang mga protokol (protokolo) o mga sinusunod at
tinutupad na paraan sa mga pananaliksik na klinikal.
Iba pang mga uri

Kasama rin sa mga uri ng pananaliksik ang mga pang-akademya, pang-agham, pampamilihan, pang-edukasyon,
pangkasaysayan, pangwika, at may pag-uugnayan ng mga disiplina:[3]

Pang-akademya

Iba ito sa pananaliksik na pangedukasyon sa ibaba sapagkat isinasagawa ito ng mga mag-aaral, hindi sila ang pinag-
aaralan ng mananaliksik. Nagsasaliksik ang mga estudyante upang makapagsulat ng mga takdang-aralin, sa
pamamagitan ng pagbabasa ng maraming bilang ng mga aklat hinggil sa isang paksa, at nagtatala sila sa kanilang mga
talaan. Ginagamit din ang gawing ito ng mga manunulat ng mga hindi kathang-isip na mga manuskrito o akda, upang
maging tama ang kanilang mga impormasyong ginagamit sa pagsusulat.

Pang-agham

Tinatawag din itong pamamaraang pang-agham o pamamaraang siyentipiko. Isang pangkaraniwang gawi sa
pagsasaliksik ang makaagham na metodo. Ginagamit ang pananaliksik upang mapainam ang mga pagkaunawasa mga
larangan ng biyolohiya, inhinyeriya, pisika, kimika, at iba pa. Dahil sa pang-agham na gawi ng pagsasaliksik,
maaaring maisakatuparan ang pagkakatuklas ng mga bagong gamot na panglunas ng mga karamdaman, ang paglalang
ng mga mas hindi-mapanganib na mga sasakyan, at kung paano makapag-aani ng mas maraming mga pagkain sa mga
bukirin. Nagmumula sa mga pamahalaan, mga pribadong korporasyon, at mula sa nagbibigay-kusang mga samahan
ang suportang pampananalapi sa ganitong uri ng mga pananaliksik.

Pampamilihan

Isa itong sangay sa larangan ng sikolohiya sapagkat pinag-aaralan at sinusuri sa pananaliksik na pangmerkado o
pangmarket ang kung ano ang mga bagay na binibili ng mga tao at kung paano sila naglilibang pagkatapos ng
kanilang mga trabaho.[3]

Pang-edukasyon

May kaugnayan sa pagsusuri kung paano natututo ang mga tao sa ganitong uri ng pananaliksik, partikular na sa mga
paaralan.[3]

Pangkasaysayan

Sinusuri rito ang lahat ng uri ng mga dokumentong katulad ng mga personal na talaan, mga liham, mga batas, mga
resibo, mga sertipiko ng pagpapatibay, mga pahayagan, mga magasin, mga aklat, at mga kasangkapang tulad ng mga
alahas, mga aparato, at mga kagamitang pantahanan. Ginagamit ito ng mga arkeologo.[3]

Pangwika

Tinatawag din itong pananaliksik na lingguwistiko sapagkat pinag-aaralan ang kung paano ginagamit ng mga tao ang
sinasalitang wika, ang mga tunog sa wikang sinusuri, at maging ang pag-iimbistiga ng gawi sa pamumuhay ng mga
mamamayang nasa isang pook.[3]

Sa mga disiplina

May isinasagawa ding mga pananaliksik na nagkakaugnayan ang iba't ibang larangan ng mga kaalaman. Kasama sa
pangmakadisiplinang pananaliksik ang multidisiplinaryo, interdisiplinaryo, at transdisiplinaryo. Sa antas na pang-
multidisiplinaryo o maramihang mga larangan, isinasagawa ang pagsusuri mula sa iba't ibang mga anggulo, at
ginagamitan ng sari-saring mga pananaw ng mga larangan, ngunit hindi nagkakaroon ng pagsasanib. Sa
interdisiplinaryo o sa pagitan ng mga larangan, nililikha ang isang katauhan ng metodolohiya o pamamaraan,
isang identidad ng panukala (teoriya) o konsepto (diwa), na nagdurulot ng mas pinagsanib at mauunawaang mga
resulta. Samantala, mas lumalaktaw sa mga gawi ng mga naunang may-ugnayang panlarangang pananaliksik ang
transdisiplinaryo o nagpapalitang (nagsasanib na) mga larangan: sapagkat nagsasanib ang mga larangan o
disiplina, kabilang ang pagkakaisa ng mga epistemolohiya, partikular na ang Panukala ng mga Agham Pantao o
Teoriya ng Agham Pangtao.

Вам также может понравиться