You are on page 1of 3

Agham Panlipunan at Pilosopiya sa Patuloy na Paglilingkod sa Sambayanan

Tugon mula sa Magsisipagtapos sa Programang Batsilyer

Paghanap ng Kabuluhan at Pag-ambag sa Bayan

Isang mapagpalaya at makasaysayang araw sa ating lahat! Pagpupugay hindi lamang sa atin mga

magsisipagtapos, gayundin sa mga taong nasa likod ng tagumpay nating ito.

Ako nga po pala si Stephanie Ann Lopez. Pagtungtong ko sa kolehiyo, para akong sisiw na

tinapon sa highway. Gulong-gulo. Takot na takot. Hindi alam kung saan dadalhin ng buhay. Akala ko,

balang araw, magiging alagad ako ng media ang susunod na Karen Davila, Jessica Soho, o Marc Logan.

Kaya naman pumasok ako sa U.P. sa kursong Broadcast Communication. Ayun. Pinalad. Tumama ang

pagshot gun ko sa UPCAT.

Hindi nagtagal, nauntog din ako at napagtantong hindi ako para sa media; hindi pala ako

photogenic. Naglayas ako sa CMC at siya namang inampon ng CSSP. Departamento ng Sikolohiya ang

naging tahanan ko sa kolehiyo. Pumasok ako sa kursong Bachelor of Science in Psychology.

Ang saya sa Psych. Napakahuhusay ng mga propesor, GC rin ang mga classmate, at higit sa lahat,

aircon lahat ng room. Sa kabila nito, bagong salta palang ako sa BS Psych ay naisip ko nang maglayas

muli. Lumipad ako sa Korea at nag-aral ng International Relations doon ng isang semestre. Pagbalik ko

sa U.P., napamahal naman ako sa Pilosopiya. Dahil sa interes sa Pilosopiya at pagkamuhi sa Biology,

nagshift ako ulit. Sa ikaapat na taon ko bilang undergraduate sa unibersidad, iba nanaman ang kurso ko

BA Psychology. Opo, magkaiba ang BS at BA Psych sa U.P.

Sumatotal, napadpad ako sa apat na kurso sa loob ng apat na taon. Sa kabila ng paglaboy-laboy,

paghanap sa sarili, at pagtuklas ng ibang disiplina, isa pa rin akong naliligaw na sisiw. Lumaking lalo ang

highway at mas naging nakakatakot. Pagkatapos ng kolehiyo, saan ako dadalhin ng tadhana? Magiging

abogado ba ako, propesor, mananaliksik, o artista? Saang propesyon ako lalago? Saan ako pupulutin?
Alam kong marami rin sa inyo ngayon ang pinapahirapan ng katanungang ito: Anong gagawin

ko sa aking diploma? Lahat tayo ay kinatatakutang masayang ang maraming semestreng nakipag-

agawan tayo ng subjects, nagmakaawa sa prerog, naluha sa exams at nagpalunod sa readings. Sayang

naman ang neurons at ang bumibigat na eyebags kung hindi natin magagamit.

Para sa akin, okay lang na hindi pa natin alam ngayon ang papel natin sa mundo. Okay lang

mawala. Okay lang maligaw. Okay lang magkamali at mabigo. Okay lang bastat hindi panghabambuhay.

Alam natin na hindi lamang ang ating sarili at ating pamilya ang naghihintay na maging makabuluhan ang

ating pinag-aralan. Nandiyan din ang Pilipinas.

Pagtapak pa lamang natin sa U.P., sinampal na tayo ng katotohanang utang natin sa mamamayan

ang ating matututunan. At alam naman natin na lahat ng utang ay binabayaran. Sa paglabas natin sa

unibersidad, inaasahan nila at marahil maging ng ating sarili na makaaambag tayo sa pag-unlad ng

bansa. Aba, dapat lang. Kumpara sa libo-libong taong hindi nagkamit ng kanilang diploma,tunay na

napakaswerte nating mga pinag-aral ng buwis ng mamamayan. Mayroon na tayong maipagyayabang.

Dahil dito, napakabigat sa balikat na matawag na iskolar at pag-asa ng bayan. Alam natin na kaakibat

nito ang pangakong magmamalasakit tayo sa bayang siyang ating pinagkakautangan.

Bilang mga iskolar at siyentista, lahat tayo ay nangangarap ng malawakang pagbabago sa

Pilipinas. Natural lamang iyon dahil napag-araaIan natin ang sandamakmak na sakit ng lipunan. Tunay na

nakagagalit. Lalong-lalo na kung nagbasa talaga tayo ng readings. Isang pangarap na mabago natin ang

mga nakapanlulumong katotohanan sa Pilipinas. Isang hamon na susubok kung kaya nating isapraktika

ang teoryang ating natutunan.

Sa estado ngayon ng bansa, mas kailangan tayo ng mga mamamayan. Kailangan ng mga taong

may kritikal at multidimensyunal na pananaw. Kailangan ng mga indibidwal na nakauunawa sa isip,

kilos, wika, kultura, at ugnayan ng mga tao sa lipunan. Kailangan ng mga pilosopong kwekwestiyon sa

moral at etikal na dimensyon ng mga isyu. Kailangan ng mga siyentistang gagabay sa pabuo ng mga
batas. Kailangan ng mga iskolar na magtatanggol sa katotohanan sa mga sumusubok baguhin ang

kasaysayan. Kailangan tayo ng bayan. Tinatawag tayo upang isapraktika ang mga teoryang ating

natutunan upang maging kapakipakinabang ito sa ordinaryong mamamayan.

Nakamamangha na simula ng pumasok tayo sa unibersidad, pinoproblema na natin ang problema

ng Pilipinas. Paunti-unti, tila ang sarili ay hindi na hiwalay sa bayan. Tanda ito ng isa sa

pinakamahalagang aral na natutunan ko sa CSSP: Gustuhin man natin o hindi, bahagi tayo ng lipunan.

Anuman ang mapili nating propesyon, saan man tayo dalhin ng alon ng buhay, ang lahat ng ating gagawin

ay makakaapekto sa mas malaking mundo, sa napakaraming tao. Huwag sana nating aksayahin ang

katotohanang ito. Ang hamon sa ating mga iskolar ng bayan ay hindi ang maging tagapagligtas ng

sanlibutan. Ang hinihingi sa atin ng bayan ay hindi ang ialay ang ating sarili at walang itirang anuman.

Hindi tayo si Oble. Ni hindi tayo si Bonifacio o si Rizal. Hinihiling lamang ng Pilipinas na tayo ay

magmalasakit kapwa sa abot ng ating makakaya at sa napili nating paraan.

Kasama ang responsibilidad sa bayan at sa kapwa sa napakaraming aral na natutunan natin sa

U.P. Ilang beses man tayong pinuyat at pinaiyak, alam kong abot langit ang pasasalamat natin sa

unibersidad na ito. Ang mga taong ginugol natin sa pag-aaral sa U.P. ay parte lamang ng isang

napakahabang kwento ng paglalakbay. Hindi ito nagtatapos sa pag-akyat natin sa entablado o sa

pagpapicture kay Oble. Magpapatuloy ito sa pagharap natin sa totoong mundo, sa pagsalubong natin at

pagdanas sa problema ng mamamayang Pilipino. Kung saan man tayo mapadpad sa highway , sanay dala

natin ang dangal at husay ng unibersidad. Sanay maging kapaki-pakinabang tayo sa bayan.

Ibat iba ang ating kurso, ibat iba ang tatahaking direksyon. Ngunit sana ay mabuklod tayo ng

iisang layunin: ang maiangat ang Pilipinas at ang sambayanang Pilipino.

Pumainlalang at paglingkuran natin ang bayan!

Maraming salamat po at maligayang pagtatapos!