Академический Документы
Профессиональный Документы
Культура Документы
Una, patuloy pa tayong magtiyaga at magsikhay ng kaalaman at kaparaanan upang ang maliliit pang mga
suliranin at balakid na gigitna sa ating landas tungo sa mga pangarap ay ating magapi at malampasan at
tayo ay magtagumpay. Sabi nga daanan lang natin ang mga problema ng buhay, huwag nating
tambayan. Ang taong may tiyaga ay may nilaga, ika nga. Tularan natin ang ating ipinagmamalaking Miss
Universe 2015 Pia Wurtzbach. Ilang ulit ba siyang nabigo, pinagtawanan at nilait? Ngunit hindi siya
pinanghinaan ng loob. Patuloy siyang nangarap at nagtiyaga hanggang nakamit niya ang inaasam na
pinakamataas na korona. Alam kong lahat tayo ay may nakalaang korona ng katagumpayan kung tayo ay
may sipag at tiyaga.
Ikalawa, patuloy pa tayong magtiis. Alam nating hindi kayang ibigay ng ating mga magulang ang lahat ng
ating mga nais at pangangailangang materyal upang tayo ay makasabay sa daloy ng makabagong
lipunan. Hindi lahat sa atin ay nagmula sa angkan ng mga mayayaman kayat nasa pagtitiis natin ang
tatag upang tayo ay huwag bumitaw sa ating minimithing maaliwalas na buhay. Sabi nga ni Marie Curie,
isang kemikong Pranses, Ang buhay ay hindi madali lamang sa kahit sino sa atin. Ngunit ano naman?
Kailangan lang natin ang pagtitiis at higit sa lahat tiwala sa ating sarili. Kailangan nating magtiwala na
tayo ay may angking galing sa kahit anong bagay at iyon ang dapat nating pagtuunan ng pansin.
Ikatlo, magkaroon tayo ng prinsipyo o paninindigan sa buhay na alam nating makakatulong hindi lamang
sa ating sarili kundi para sa ating kapwa at sa ating bansa. Tulad na lamang ng pagiging magalang sa
nakatatanda at sa karapatan ng kapwa, pagiging malinis sa kapaligiran at sa iba pang lugar, pagsunod sa
mga alituntunin at batas o kaya ay pagiging mapagpahalaga sa ating mga kultura. Nasa ating mga sarili
lamang ang ikalulutas ng ilang suliranin na patuloy nating ibinibintang sa ating pamahalaan. Hindi na
tayo mga paslit na patuloy na aasa ng tulong sa ating mga magulang, sa kapwa at sa pamahalaan. Nasa
atin na magsisimula ang mga pagbabago ng lipunan na nais nating makamit. Nasa ating mga kabataang
mula sa K to 12 ang pag-usbong ng bagong pag-asa para sa pagbabago ng ating bansa.
Alam nating ito ay mahirap at tunay na mapanghamon para sa ating murang edad. Sumusukat ng lakas
at nakapanlulupaypay kung sa bawat paghinga ay alam nating patuloy na nahihirapan ang ating mga
magulang sa pagsusumikap maibigay lamang ang mga pangangailangan ng ating pamilya. Kailangan
nating magsakripisyo at gumawa kasabay ng mga dasal na kaya nating magtagumpay at magbigay ng
karangalan sa ating pamilya at bayan. Ang bawat matagumpay na tao sa ating bayan ay may mga
kwento ng kahirapang napagdaanan. Kung nalampasan ang lahat ng iyon, tayo ay gayundin. Sabi ni St.
Mother Teresa noong siya ay kapanayamin: huwag kang maghanap na makagawa ka ng napakalaking
bagay, gumawa ka lamang ng mga maliliit na bagay na kaya mo ngunit lagyan mo ng marubdob na
pagmamahal. Tayong mga kabataang mula sa K to 12 ang magtutuloy ng magandang nasimulan sa ating
bayan at tayo ang magiging simula ng malaking pagbabago para sa ikauunlad ng ating bansang Pilipinas.