(Tinggian) • Ang mga Tinggian, isang pangkat ng mga taong naninirahan sa mga burol sa dakong loob ng Abra, ay may sarili nilang salaysay tungkol sa Malaking Baha. • Ang pinagsimulan ng matinding sakuna ay ang pagdukot ni Aponi-tolau kay Humitau, isang adang tagapangalaga ni Tau-mari-u, bathala ng karagatan. Heto ang kuwento. • Isang araw, katatapos lamang mangaso sa gubat ni Aponi-tolau. Siya ay humiga at nagpahinga sa lilim ng isang puno. “Hay, nakakabagot naman,” sabi niya sa kanyang sarili habang humihikab. Siya, ang bathala ng kabundukan at bayaning pinapanginoon ng mga Tinggian, ay walang ginawa sa araw- araw kundi ang mangaso at magtanim ng mga halaman at puno sa kagubatan ng kabundukang Cordillera. “Pambihira, wala na akong ibang magawa rito…” Ilang ulit siyang napapabuntunghininga habang nakatingala sa mga dahon ng punong kanyang kinaroroonan. • Maya-maya ay bigla na lamang nagliwanag ang kanyang nababagot na mukha. “Alam ko na! Ano kaya kung bumaba ako? Nagsasawa na ako rito sa kabundukan. Tutungo ako sa kapatagan! Nais kong maglakbay. Bahala na kung saan man ako makarating.” At siya’y masiglang tumayo at naghanda na sa kanyang paglalakbay pababa ng kabundukan. • Pagdating sa kapatagan, ang binata’y naglakad nang naglakad nang walang iniisip na patutunguhan. Walang nakatawag ng kanyang pansin sa paligid. Bagot na bagot pa rin siya. Patuloy siya sa paglakad, hanggang sa siya ay mapadpad sa tabing-dagat. Doon ay biglang nagbago ang kanyang pakiramdam. Ang payapang bughaw na dagat, ang dambuhalang iyon na maamo sa ilalim ng nagniningning na ginintuang araw sa umaga – ay lubhang pinamangha ang bathala. Hindi siya nakatiis sa pang-aakit ng magaganda’t nagsasayawang mga alon. Kung kaya’t gumawa siya ng isang balsang yari sa yantok (rattan) at namangka sa karagatan. • Sumagwan siya nang sumagwan, at siya ay nakarating sa dulo ng mundo. Doon, sa lugar na iyong pinagtatagpuan ng langit at ng dagat, nakakita si Aponi-tolau ng isang napakataas na toreng bato. Iyon ay walang iba kundi ang tahanan ni Tau-mari-u, bathala ng karagatan. Binabantayan iyon ng siyam na naggagandahang mga anak ng damong-dagat (seaweeds). Ang sinag ng araw sa karagatan na naghahatid ng ginto’t pilak na kinang sa luntiang buhok ng siyam na tagapangalaga, ang masasayang pagtatawanan, paglalaro, at paghahabulan ng mga ito, ay labis na humalina sa diyos ng kabundukan. • Nilakasan ang loob, ang mandirigma’t bathala ng mga Tinggian ay nagtungo sa mga pinto ng palasyo.“Magandang araw. Mawalang-galang na sa inyo, mga binibini. Ibig ko lamang malaman kung ano ang pook na itong aking kinaroroonan?” ang magalang niyang tanong sa maririkit na tagapagbantay. • Subalit pawang mga tawa lamang ang isinukli ng mga diwata sa kanya. Nagtaka si Aponi-tolau. “Ano ito? Magalang ang aking tanong, bakit nila ako pinagtatawanan?” wika niya sa kanyang sarili. “Aba, heto’t niyayaya pa nila akong pumasok sa palasyo, ngunit patuloy pa rin silang nagtatawanan! Pinaglalaruan ba nila ako?” gulat na dagdag pa niya nang makitang iniimbitahan siyang pumasok ng mga nimpa. • Sinundan niya ang magagandang dilag. Ngunit ang patuloy na halakhakan ng mga ito ay nagpapanting sa tainga ng bathala. • “Aaahh!” biglang sigaw niya. “Bakit?! Bakit ang iingay ninyo?! Pinagkakaisahan ninyo ako! Tigilan ninyo iyan!” ang galit na bulyaw niya. Ang mga diwata namang inosente at sadyang masasayahin lamang ay biglang natigilan at natakot. Lalo pa silang nangamba nang ilabas ng diyos ang kanyang mahiwagang kawit (hook), at kanyang inihagis sa mga nimpa. • Nagtilian ang mga nahintakutang tagapangalaga ng palasyo. Natamaan ang pinakabata sa kanila at siyang pinakamaganda, si Humitau. Kinuha siya ni Aponi-tolau. Humiyaw nang napakalakas ang diwata, at nagpumilit pumiglas sa mahigpit na pagkakahuli sa kanya ng bathala. Ngunit ang mahiwagang langis na inilagay ng bathala sa dulo ng kanyang kawit ay pinanghina ang dugo ng nimpa hanggang sa nawalan ito ng malay. • Isang malakas at marahas na pagkakagulo ang sumunod. Nagsigawan ang mga bantay ng palasyo at nagsilabasan sa mga pintuan. Nagmamadaling binuhat ni Aponi-tolau ang walang-malay na diwata, nagtungo sa kanyang balsa, at matuling nagsagwan palayo. Ilang saglit lamang pagkaraang makaalis ng bayaning Tinggian, lumabas buhat sa kanyang silid si Tau-mari-u para tingnan kung ano ang nangyayaring kaguluhan. Subalit huli na ang lahat. • Sa kanyang matinding galit, tinawag ni Tau-mari-u ang mga alon at ang mga tuna ng karagatan. “Hindi ito maaari! Ang pangahas na iyon! Ano ang karapatan niyang umapak sa aking teritoryo? At sinaktan pa ang aking mga diwata! Hulihin ninyo at dalhin ang lapastangang iyon sa akin! Ngayon din!” At hinampas nang malakas ng mga alon ang balsa ng bathala ng kabundukan habang itinutulak naman ito pabalik sa palasyo ng mga tuna. • Gulat at nabalot ng pangamba, humingi ng saklolo si Aponi- tolau sa kanyang ina, si Lang-an ng Kadalayapan, diyosa ng hangin at ulan. Narinig ng ina ang palahaw ng anak at kaagad siyang nagpadala ng malalakas na hangin upang hilahin si Aponi-tolau papuntang pampang. Sa kabila ng pagngangalit ng mga alon at pagpupumilit ng mga tuna, ang bayaning Tinggian ay nakarating sa dalampasigan nang maayos at walang pinsala. • Lalong sumidhi ang galit ni Tau-mari-u. Agad siyang nagpatawag ng pulong sa mga diyos at kalahating-diyos (demigods) ng mga katubigan.“Mali ang kanyang ginawang panghihimasok sa iyong kaharian!” wika ng isang bathala. • “At isa pa niyang pagkakasala ang pagdukot kay Humitau!” dagdag ng isa pa.“Hinding-hindi ko siya mapapatawad! Isang tampalasan! Ang aking Humitau, ang kaawa-awa kong Humitau…” humihikbing ngitngit ni Tau-mari-u. • “Huminahon ka, kapatid. Nagkasala siya kaya’t siya’y karapat-dapat lamang na maparusahan. Tutulungan ka namin,” alo naman sa kanya ng kanyang mga kasama.“Kung gayon, ano ang ipapataw natin sa kanya?” • “Baha. Isang malaking bahang wawasak sa lahat ng mga nasa lupang siyang tirahan ni Aponi-tolau. Ito ang magiging kabayaran sa mga malagim niyang ginawa.” • Mula sa langit ay nabatid ni Lang-an ang kanilang pinaplano. Dali-dali niyang ipinatawag ang hangin sa hilaga at pinababa ito sa lupa upang magbigay ng mensahe sa kanyang anak.“Anak, bakit mo ba kasi ginawa ang gayon?” tanong ni Lang-an sa anak sa pamamagitan ng hangin. • “Alam ko po ang aking ginagawa, Ina. Ako na po ang bahala sa aking sarili. Magiging asawa ko si Humitau,” paliwanag ni Aponi-tolau. • “May binabalak na masama sa iyo ang mga bathala ng katubigan! Parurusahan ka nila sa iyong ginawa! Gagawa sila ng isang malaking bahang pupuksa sa lahat ng nasa lupa!” • “Hindi maaari!” biglang hiyaw ni Aponi-tolau. “Anak, dapat kayong umakyat sa pinakatuktok ng kabundukan ng Cordillera para makaligtas. Dalhin mo ang iyong asawa at magtungo kayo roon.” • Sumunod naman si Aponi-tolau. Nagpunta sila sa tuktok ng bundok at naghintay roon. At ang baha’y dumating. Mula sa mga pintuan ng kanyang palasyo, kitang-kita ni Tau-Mari-u ang malalakas na dambuhalang along humampas sa mga kapatagan, umagos sa mga lambak, tumangay at nagwasak sa mga halaman, hayop, at mga taong naninirahan sa lupa. Tumaas nang tumaas ang tubig hanggang sa maabot nito ang tuktok ng bundok. Ilang mga dipa na lamang ang agwat nito sa lugar kung saan naroroon si Aponi-tolau at kanyang asawa. • Binalot ng matinding takot, si Humitau ay napasigaw. “Panginoong Tau- mari-u! Nagmamakaawa ako sa inyo! Hindi na ako marunong lumangoy… at hindi na kailanman makatitira pa sa tubigan… matapos kong makain ang pagkain sa kabundukan na ibinigay sa akin ni Aponi-tolau… Ang pagkaing iyo’y may gayuma… na inalis sa akin ang aking kapangyarihan. Kaya… parang awa n’yo na… Iligtas n’yo kami!” lumuluhang pagsusumamo niya. • Sa kabila ng kanyang galit, ang bathala ng karagatan ay nahabag sa kanyang paboritong diwatang si Humitau. Kung kaya’t tinawag niya pabalik ang mga tubig at alon. Subalit isinumpa niyang magmula noon ay maglulubog siya ng mga sasakyang-dagat at maglulunod ng mga tao hangga’t hindi pinagbabayaran ni Aponi-tolau ang kanyang mga kasalanan. • Nang humupa na ang baha, sina Aponi-tolau at kanyang asawa ay bumaba nang muli sa kapatagan. Sa kanilang dalawa nagmula ang lahat ng mga tao sa sandaigdigan. Main Characters: • Aponi-tolau- God –hero of the Tinggians • Humitau – Sea-maiden guard • Tau-mari-u- Lord of the sea • Lang –an- mistress of the wind and rain • Theme-angry and pity • Setting- happen on the seashore., on the edge of the world and the towering house of tau- mari-u Folktale